Tulog na! 'Nay! 'Tay! Ako na ang magsisilbing ilaw na gabay Sa kadiliman ng gabi, sa pagpupuyat ako'y sanay Handang magmatyag, masigasig na magbantay Masiguro lamang ang himbing sa inyong pagkakahimlay
Tulog na! Tsong! Tsang! Mga alaga n'yong hayop na nagkakanda-ubusan Na sa umaga'y masusumpungang nabawasan ang bilang Nakawala sa kulungan, pugot ang ulo, wakwak ang tiyan Mas masahol pa sa hayop pumaslang ang may kagagawan
Tulog na! Ate! Kuya! Matikas pa sa sundalo, ako'y magsisilbing gwardya Upang ang bayan nating muli'y maging payapa Sa mga mapagsamantala ako'y 'di palulupig, 'di pasisila Kasamaang kanilang tinataglay, buong pwersa kong pinupuksa
Ang aming munting nayon, noo'y tahimik at payapa Biglang nabulabog ng iyakan, sigawan at mga haka-haka Sa kalaliman ng gabi ay may gumagala Isang kakaibang nilalang na sa kadilima'y namamalakaya
Kabilugan ng buwan kung ito'y mambiktima Kasabay ng alulong ng aso, kaluskos ng dahon at tunog na kakaiba Nakakakilabot, nakakapanindig-balahibo ang kanyang hitsura Sabi-sabi ng mga matatanda na sa kanya'y nakakita
Sa porma ng aso, pusa, malaking ibon at baboy ramo Matatalas ang pangil, mahahaba ang kuko Mabilis kung kumilos, matulin kung tumakbo Sa isang kisapmata'y mapupunta agad sa likuran mo
Isang Biyernes Santo nang siya'y aking makasagupa Tangan ko ang sibat at itak na bagong hasa Nagtamo ako ng mga kalmot, sugat at mga pasa Pero siya'y aking napuruhan, tagos ang sibat na sa dibdib ay tumama
Umuwi ako ng bahay upang salubungin ang asawa Bakas sa aking mukha ang pagod ngunit hatid ang magandang balita Nagapi ko ang kampon ng kadiliman sa aming pagdidigma Ngunit ano itong bumungad sa akin? Sadyang 'di ako makapaniwala
Aking asawa'y nasaksak, duguan sa bandang puso Sino ang may gawa? Hindi ko matanto Ito ba ang magiging kapalit ng aking sakripisyo? Sino ang may sala? Maghihiganti ako!
Nakayapos ako sa kanya nang bawian siya ng buhay Aking kinarga sa mga bisig katawan ng mahal kong nakahandusay Isang garapon ng langis, sa aking pagtayo ay napalaylay Nahulog mula sa bulsa ng bestidang aking ibinigay
Sa pagkawala ng aking irog, nanumbalik ang katahimikan Ang dating lagaslas ng mga bagwis na naghahatid ng katatakutan Wala ng magiging biktima ng patayan at karahasan Nagkukubli na muli ang munting nayon sa dating nakagawian
Paalam aking mahal, isa ka palang aswang!
Lubos kong naibigan ang tula ni kuyog hangin na pinamagatang Awooo kaya naman gumawa ako ng isang tula upang sagutin o dugtungan at bigyan ng kakaibang kwento ang pagsalakay ng Aswang na nambibiktima. Salamat din kay @torania sa paglalathala ng mga sulatin ni kuyog hangin dito sa Steemit.